MOST WANTED PERSON SA VALENZUELA, NALAMBAT

ISINELDA ang isang lalaki na listed bilang no.1 most wanted person ng Valenzuela City dahil sa kasong rape matapos mabitag sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa naturang lungsod.

Pinuri ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones, Jr. ang Valenzuela Police sa pamumuno ni P/Col. Salvador Destura, Jr., sa matagumpay na operation kontra wanted person na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jovan Lopez, alyas “Van”, 18-anyos, ng Barangay Lingunan.

Ayon kay Col. Destura, nakatanggap ng ulat ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela Police na naispatan ang suspek sa Brgy. Veinte Reales kaya nagsagawa sila ng validation.

Nang magpositibo ang ulat, agad nagsagawa ang mga tauhan ng WSS sa pangunguna ni P/Lt. Robin Santos, ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Lopez sa Skyline St., Brgy. Veinte Reales.

Ani Santos, inresto nila si Lopez sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Agosto 2, 2022 ni Presiding Judge Mateo Altarejos ng Valenzuela City Family Court Branch 16, para sa kasong rape.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kaso ng nasabing suspek. (FRANCIS SORIANO)

Related posts

Leave a Comment