CAVITE – Naalerto ang Bacoor City Component City Police Station (CCPS) makaraang makatanggap ng Short Messages Service (SMS) hinggil sa umano’y ipapasok na bomba sa Bacoor Strike Gymnasium kung saan magaganap ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa Dasmariñas City noong Sabado ng umaga.
Ayon sa ulat, dakong alas-11:12 ng umaga nang makatanggap ang Bacoor CCPS ng isang SMS hinggil sa umano’y bomba na ipapasok sa Bacoor Strike Gymnasium sa BGC Compound, Bacoor City na inilagay sa isang laptop, water cooler o kaya sa isang bag.
Nakasaad pa sa SMS na ilalagay umano ito malapit sa uupuan nina Lucena City Mayor Mark Alcala, Maharlika Pilipinas Basketball League Commissioner Kenneth Duremdes at Courtside Reporter Andrea Endicio.
Agad namang humingi ng assistance ang Bacoor CCPS sa Cavite Provincial Explosive Ordnance and Canine Unit para sa imbestigasyon at karagdagang security sa lugar kung saan magaganap ang laro ng MPBL ng alas-7:00 ng gabi na wala namang anomang nangyaring insidente.
(SIGFRED ADSUARA)
327