MAHIGPIT na seguridad ang ipatutupad ng pamunuan ng Manila Police District sa paggunita ng All Saints day at All Souls Day sa Nobyembre 1 hanggang Nobyembre 2, sa limang sementeryo ng lungsod ng Maynila.
Sa North Cemetery sa Blumentritt Street, Sta. Cruz, Manila, si Police Lieutenant Colonel Leandro Gutierrez, commander ng MPD- Station 3, ang ground commander, kaagapay si Police Major Mark Apostol, hepe ng Blumentritt PCP.
Sa La Loma Cemetery, itinalagang ground commander si Police Lieutenant Colonel Ramon Czar Solas, ang commander ng Jose Abad Santos Police Station 7.
Habang sa Chinese Cemetery ay itinalaga si Police Lieutenant Colonel Rexon Layug, ang commander ng Meisic Police Station; sa South Cemetery na sakop ng Maynila, bagama’t nasa hurisdiksyon ng lungsod ng Makati, sa labas lamang sila maaaring magbantay ng seguridad, habang sa loob ay ang mga tauhan ng Sta. Ana Police District Station 6 ang magbabantay, sa pangunguna ni Police Lieutenant Jason Aguillon, station commander.
Sa Paco Cemetery, si Police Lieutenant Colonel Gilbert Cruz ang nakatalagang ground commander, kasama ang kanyang mga tauhan.
Ayon kay Police Major Philipp Ines ng Public Information Office (PIO), mag-iikot naman si MPD Director Police Colonel Arnold Thomas Ibay sa mga sementeryo upang masiguro ang mahigpit na seguridad na kanilang ipatutupad.
May itinayong Command Center sa boundary ng Quezon City at Manila para roon mamalagi ang iba pang station commanders tulad nina Police Lieutenant Colonel Manuel Gomez ng Baseco Police Station 13, at Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel ng Moriones Police Station 2.
(RENE CRISOSTOMO)
