WALA pang isang buwan matapos magpahayag ng suporta ang mga dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga hepe ng Philippine National Police (PNP), gayundin ang mga retired generals, aabot naman sa 500 retiradong pulis, sundalo at marines ang nagpahayag na rin ng suporta sa kandidatura ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.
“Kaming mga retiradong sundalo, pulis at bantay-dagat na naghain ng aming talino at kung kakailanganin ang aming buhay bilang sergeant majors, police executive senior police officers, master CPO of the Coast Guard at senior non-commissioned officers, tungo sa katahimikan, kaligtasan at kaunlaran ng ating bansang Pilipinas ay buong pusong sumusuporta sa kandidatura ni Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na tumatakbo sa bilang presidente sa halalan sa May 9, 2022,” anang mga dating non-commissioned officers sa manifesto na ipinaabot sa tanggapan ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).
Karamihan sa mga lumagda ay may mga ranggo na corporal, sarhento, master sergeant at tinyente.
Naniniwala ang mga ito sa kakayahan ni Marcos para pamunuan ang bansa, bukod sa sinserong pagmamahal sa bayan.
Higit sa lahat, sinabi ng mga ‘retirees’ higit din ang kanilang paghanga sa panawagang pambansang pagkakaisa ng kapwa Pilipino na magdadala sa pag-unlad ng bansa.
“Malakas ang aming paniwala na si Bongbong Marcos (BBM) ang Pangulong kailangan ng bawat Pilipino,” sabi pa nila.
Kung matatandaan, halos 100 retired generals mula sa AFP at PNP ang nagbigay rin ng kanilang suporta sa kandidatura ni Marcos.
Ang suportang ito ay pormal pang pinirmahan ng mga dating heneral sa isang event sa Marikina, may dalawang linggo na ang nakararaan.
Sabi ng mga retiradong awtoridad, isa rin sa nagpalakas ng pagpapahayag nila ng suporta kay Marcos sa paniwalang ang katunggali nitong si Leni Robredo ay may alyansa sa mga teroristang komunista.
Nitong nakalipas na Martes ay hayagan kinondena ni Medal of Valor awardee retired Colonel Ariel Querubin ang ginawang pagsuporta ni Leni Robredo sa mga teroristang Communist Party of the Philippines -New People’s Army (CPP- NPA).
Sa isang open letter, ibinunyag ni Querubin na na-brief siya ng mga opisyal ng PNP at mga kinatawan ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC) at mga dating rebeldeng NPA ukol sa ugnayan umano ni Robredo sa teroristang grupo.
“As a soldier and a Medal of Valor awardee who has fought the CPP/NPA and a witness to soldiers who died in combat fighting the enemies of the state, I will not support a candidate who has alleged links with our enemies,” ani Querubin.
Ang open letter ni Querubin ay bilang tugon sa pahayag ng kinaanibang Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP) na nagbigay naman ng suporta kay Robredo.
Dahil dito, agad nagbitiw si Querubin bilang miyembro ng naturang grupo.
142