TIMBOG sa magkakahiwalay na operasyon ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat katao makaraang mabilhan ng mga nakaw na motorsiklo sa nasabing lungsod.
Ayon sa ulat ni Police Station commander, Lieutenant Colonel Rex Villareal kay QCPD director, Brigadier General Remus Medina, kinilala ang mga suspek na sina Emman Garcia, Bryan Cabrera, Jonathan Gumamay, at Jayson Jugal, pawang nagbebenta ng mga nakaw na motor gamit ang social media.
Nabatid imbestigasyon, dinakip ang mga suspek sa aktong nagbebenta ng motor sa mga operatibang nagpanggap na buyer sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Barangay Commonwealth ng naturang lungsod.
Kabilang naman sa narekober na motorsiklo ay Suzuki Gixxer, Honda XRM, Euro at Motorstar Easyride.
Nahaharap sa patong-patong na kaso — kabilang ang carnapping at paglabag sa Anti-fencing Law, ang mga suspek na pawang nakapiit ngayon sa QCPD custodial facility.
Binigyang pagkilala naman ng QCPD director ang mga operatibang aniya’y matiyagang tumutok sa dulog ng mga nabiktima ng pinaniniwalaang mga miyembro ng carnapping syndicate.
Paalala pa niya sa mga nagmamay-ari at nagbabalak bumili ng mga segunda manong motor, maging mapanuri at ipatupad ang ibayong pag-iingat. (JOEL AMONGO)
145