NAGPALIPAS NG INIT SA BREAKWATER, NALUNOD

NALUNOD ang isang 13-anyos na dalagita habang naliligo sa breakwater sa Happy Land, Brgy. 105, Tondo, Manila noong Sabado ng hapon.

Kinilala ang biktimang si Nicole, estudyante, ng Barangay 108, Tondo.

Ayon sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-4:30 ng hapon nang mangyari ang insidente.

Ayon sa nakababatang kapatid ng biktima, naisipan nila ng kanyang ate na maligo sa breakwater dahil sa sobrang init ng panahon.

Ngunit habang sila ay nagtatampisaw ay napansin niyang hindi na lumulutang ang kanyang kapatid.

Agad nagpasaklolo ang menor de edad sa kanilang tiyuhin na si John Jay na agad namang sinagip ang biktima.

Isinugod ang biktima sa Tondo Medical Center subalit idineklara itong dead on arrival. (RENE CRISOSTOMO)

89

Related posts

Leave a Comment