NAGPANGGAP NA PULIS BUKING NA WANTED

ARESTADO ang isang babae na tinangkang lumusot sa checkpoint sa pamamagitan ng pagpapanggap na pulis sa Talisay, Batangas nitong Lunes.

Sa pagrerekisa ng mga tunay na pulis, natuklasang wanted ang suspek na si Vanessa Mago, 36, kasalukuyang naninirahan sa Sto. Tomas City, Batangas.

Batay sa report, nasita sa checkpoint ang suspek na nakaangkas sa isang rider dahil sa pagsusuot ng police uniform na Olive Drab na may marking na “PULIS” pero ang pang-ibaba ay jogging pants at athletic shoes na hindi akma sa pamantayan ng  tamang bihis ng isang PNP member.

Nang maberepika sa Talisay MPS, natuklasan na may existing warrant of arrest si Mago sa kasong kidnapping and serious illegal detention and Violation of PD 1829 mula sa RTC Branch 63, sa Calabanga, Camarines Sur.

Ang warrant of arrest ay agad ding inihain ng kapulisan ng Talisay kasama ang RID 4A – RIT Batangas, Calabanga MPS, Camarines Sur (PRO5), PNP IMEG Luzon Field Unit 4A and PNP Maritime Monitoring Post, Talisay, Batangas.

Bunga nito, madaragdagan pa ang kaso ng suspek dahil sasampahan din siya ng paglabag sa Article 177 and 179 of the RPC (Usurpation of Authority & Illegal Use of Uniform or Insignia).
Muli namang ipinaalala ng mga awtoridad sa publiko na bawal isuot ng sibilyan ang anomang kasuotan o gamit na nakatakda lamang sa kapulisan. (NILOU DEL CARMEN)

28

Related posts

Leave a Comment