NAKALIGTAS SA BAGYONG KARDING TINAMAAN NG KIDLAT, PATAY

QUEZON – Patay ang isang senior high school student habang kritikal ang kalagayan ng kasama nito makaraang tamaan ng kidlat habang sakay ng bangka patungo sa bayan ng Real sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.

Magdadala sana ang dalawa ng kanilang mga huling pugita (octopus) sa Real sakay ng bangkang de motor nang abutan ang mga ito ng masungit na panahon at matatalim na pagkidlat  sa karagatan malapit sa bahagi ng Baluti island sa nasabing bayan dakong alas-10:00 ng gabi .

Kinilala ang namatay na si Justine Establecida, 17, habang sugatan si Edner Tabura, parehong taga Barangay Palasan, isang islang barangay sa bayan ng Burdeos, na lubos ding napinsala ng Super Bagyong Karding.

Natagpuan ang dalawa ng mga rescuer at mga barangay official ng Real at naisugod sa ospital subalit binawian ng buhay si Establecida habang nilalapatan ng lunas.

Batay sa impormasyon, ang pamilya ng dalawang biktima ay kapwa mga biktima rin ng Super Bagyong Karding at nawasak ang kanilang bahay. (NILOU DEL CARMEN)

71

Related posts

Leave a Comment