CAVITE – Patay ang isang 21-anyos na binata nang pagsasaksakin ng isang lalaki nang ‘di sinasadyang masagi nito ang motorsiklo ng huli na nakaparada sa bayan ng General Mariano Alvarez (GMA) sa lalawigang ito, noong Linggo ng umaga.
Naisugod pa sa Perpetual Hospital sa Biñan City ang biktimang si Kelly Agonia ng Brgy. Granados, GMA, Cavite subalit idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng saksak sa likod.
Naaresto naman ang suspek na si Ian Reyes y Alcober, 27, binata ng Brgy. Old Bulihan, Silang, Cavite.
Ayon sa ulat, dakong alas-5:30 ng umaga nang mangyari ang insidente habang naglalakad ang biktima kasama ang ilang kabigan sa Barangay Maderan, GMA, Cavite. Hindi sinasadyang nasagi umano nito ang nakaparadang sasakyan ng suspek.
Ikinagalit ito ng suspek kaya kinompronta ang biktima na umabot sa mainitang pagtatalo hanggang sa naglabas ng patalim si Reyes at
inundayan ng saksak si Agonia na nagresulta sa agaran nitong kamatayan. (SIGFRED ADSUARA)
