CAVITE – Nabawi ang isang nakaw na laptop nang makita sa Marketplace ng Facebook at nagresulta sa pagkakaaresto sa isang lalaki sa bayan ng General Mariano Alvarez (GMA) sa lalawigang ito, noong Lunes ng umaga.
Kasong paglabag sa Anti-Fencing Law ang kinahaharap ng suspek na si James Mark Paez y Reyes, ng Brgy. N. Virata, GMA, Cavite dahil sa reklamo ni Bon Jovi Encinares y Almeria, 33, ng Brgy. F. de Castro, GMA, Cavite
Ayon sa salaysay ni Encinares kay Police Staff Sergeant Dann Czar Q. Rosales ng GMA Police Station, nawala ang kanyang Asus Expertbook laptop na nagkakahalaga ng P42,946, noong Agosto 22, 2023 ng madaling araw nang makalimutang i-lock ang pintuan ng kanilang bahay.
Noong Lunes, dakong alas-10:00 ng umaga nang nag-browse ito sa Marketplace ng Facebook ay nakita nito ang ibinibentang laptop na katulad ng gadget na ninakaw sa kanilang bahay, at parehas din ang serial number nito.
Dahil dito, nakipag-ugnayan ang biktima sa pulisya na kinontak ang seller at nagpanggap na bibilhin ito at magkikita sa Brgy. Poblacion 1, GMA, Cavite, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-12:00 umaga at nabawi ang naturang laptop.
(SIGFRED ADSUARA)
