Nakaw pala tinangkang ibenta online HELPER, 1 PA ARESTADO SA P1-M HALAGA NG KABLE

CAVITE – Dahil sa social media, naaresto sa entrapment operation ang dalawang lalaki matapos na mag-post hinggil sa ibinebentang kable ng telepono sa bayan ng Kawit sa lalawigang ito, noong Martes ng umaga.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Fencing Law ang mga suspek na sina Rustom Nova Alberca, 28, binata, helper, ng Brgy. Alapan 2B, Imus City, Cavite, at Dominic Coquilla Lazala, 32, driver ng Brgy. Alapan 2B, Imus City, Cavite dahil sa reklamo ni Liwayway Pastrana Valenzuela, 50, isang subcontractor, ng San Sebastian, Kawit, Cavite.

Ayon sa ulat, nakita ng biktima sa isang group chat ng Telecom World ang hinggil sa ibinebentang Reel PLDT cable wire sa halagang P110,000.

Ayon sa biktima, noong Nobyembre 11, 2022 ay ninakaw ang kanilang rolyo ng kable ng telepono at naniniwalang ito ang nawawala nilang kable kaya nang nakita niya  ito sa group chat ay agad siyang nakipag-ugnayan sa Imus City Police na nagsagawa ng entrapment operation.

Nagkasundo ang poseur customer at ang suspek na magkikita sa harapan ng isang fastfood restaurant sa Daang Hari Road sa Brgy. Pasong Buaya 1, Imus City na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-11:20 ng umaga at narekober ang dalawang rolyo ng kable ng telepono, na ang isa ay pagmamay-ari ng biktima na nagkakahalaga ng P1 milyon. (SIGFRED ADSUARA)

26

Related posts

Leave a Comment