Nalusutan ni Guo IMMIGRATION, CAAP GIGISAHIN SA SENADO

(DANG SAMSON-GARCIA)

NAIS ng mga senador na magpaliwanag ang Bureau of Immigration at ang Civil Aviation Authority of the Philippines kaugnay sa pagkakapuslit palabas ng bansa ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Iginiit ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na dapat managot ang BI sa kabiguan nilang matunugan ang pagtakas ni Guo sa kabila ng ilang beses nilang paninindigan na nasa bansa pa ang sinibak na alkalde.

Sa panig nina Senador Grace Poe at Migz Zubiri, binigyang-diin na dapat pagpaliwanagin ang CAAP dahil sila ang dapat na may hawak ng masterlist ng mga eroplanong umaalis sa paliparan.

Paniwala ng dalawang senador, ang CAAP din ang dapat na nakatunog sa sinakyang eroplano ni Guo palabas ng bansa.

Sa imbestigasyon anila, dapat matunton sinu-sino ang mga tumulong upang makapuslit palabas ng bansa si Guo.

Ipinaalala naman ni Senador Loren Legarda na maituturing na national security ang usapin sa pagtakas ni Guo dahil posibleng may mga law enforcer o mga opisyal ng gobyerno ang tumulong sa kanya para makabiyahe.

Una nang isiniwalat ni Senador Risa Hontiveros ang pagpuslit ni Guo patungo umanong Kuala Lumpur, Malaysia bago nagtungong Singapore para tagpuin ang kanyang mga magulang, gayundin ang kapatid na si Wesley Guo at Cassandra Ong.

Ilegal Na Lumabas

Pahayag naman ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, ilegal na nakalabas ng bansa si Guo dahil hindi ito dumaan sa tamang proseso ng mga Immigration Officer.

Sinabi ni Tansingco na nakatanggap sila ng ulat na si Guo ay illegal na bumiyahe patungong Malaysia ng kalagitnaan ng buwan ng Hulyo.

“We received intelligence information from our counterparts abroad that Guo illegally left for Malaysia then flew to Singapore,” ayon kay Tansingco na galing sa ASEAN meeting of immigration heads in Vietnam. “She allegedly flew to Singapore with Shiela Leal Guo and Wesley Leal Guo on July 21,” aniya pa.

Paglilinaw nito, bagama’t nasa look out bulletin si Guo, walang naitalang anomang paglabas niya sa kanilang system at centralized database.

Minomonitor ng BI ang lahat ng regular international ports of entry and exit kabilang ang international airports and seaports, habang ang informal exit points ay pinapangasiwaan ng aviation at maritime agencies.

“So far we have not received any turnover or reports related to Guo from other agencies, including those manning our maritime borders,” aniya.

Nasa Pilipinas Pa – DOJ

Naninindigan naman ang Department of Justice (DOJ) na nasa loob pa rin ng Pilipinas ang nasibak na alkalde ng Bamban, Tarlac.

Taliwas umano ito sa impormasyon ni Sen. Risa Hontiveros na nakatakas na patungong Malaysia at Singapore si Guo.

Sinabi ng tagapagsalita ng DOJ na si Asec. Mico Clavano, naniniwala ang tanggapan na ang na-dismiss na alkalde ay plano pang panumpaan ang kanyang counter affidavit sa DOJ kaugnay ng kasong human trafficking.

“Walang ulat sa amin ng isang tangkang pag-alis mula sa BI. May mga naiulat nakita mula sa mga ahente ng pagpapatupad ng batas pagkatapos ng Hulyo 18,” giit pa ni Clavano.

Sa hiwalay namang panayam, iginiit ng tagapagsalita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission Winston Casio, na nakikipag-ugnayan na ito sa local agencies na nagpapatupad ng batas para suriin ang inaakalang pag-alis ni Guo sa Pilipinas.

Naghihintay rin ang komisyon ng opisyal na impormasyon mula sa mga katapat nitong Malaysian at Indonesian.

Magugunitang sa huling post ni Senator Risa Hontiveros nitong Lunes, nagulat ito sa natanggap na impormasyon na tumakas na ng Pilipinas ang nasibak na alkalde.

Posibleng managot ang sinomang local o immigration officials na tumulong kay Guo para makatakas ng Pilipinas. (May dagdag na ulat sina JOCELYN DOMENDEN at JULIET PACOT)

60

Related posts

Leave a Comment