Namamayagpag sa Oriental Mindoro GEN. DORIA BULAG-BULAGAN SA BINGO NG BAYAN CUM JUETENG

BINABANTAYAN ng mga taga-Oriental Mindoro kung uubra sa hanay ng lokal na pulisya sa kanilang lalawigan ang paglilinis na gagawin ng bagong hepe ng Pambansang Pulisya na si Police General Benjamin Acorda, Jr. laban sa mga tauhan nito na nasasangkot sa iba’t ibang kontrobersiya.

Sa kanyang speech sa isinagawang Change of Command Ceremony kamakailan, nagpasalamat si Acorda kay dating PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa pagseserbisyo sa PNP at pagsisilbing inspirasyon upang mabalik ang moral at tiwala ng publiko.

“Rest assured, Sir, that I will continue your advocacy in cleansing the PNP,” pagtiyak ni Acorda.

Aniya, walang pulis na dapat masangkot sa paggamit, pagtutulak ng ilegal na droga at pagprotekta sa ilegal na sugal dahil hindi umano siya magdadalawang-isip na kasuhan at ipatanggal ang mga ito sa serbisyo.

“You will be charged and removed from the service. This is my warning to each and everyone of you. Our fight will be holistic in prevention and aggressive in operations,” dagdag pa ni Acorda.
Si Acorda ang pangalawang hepe ng PNP sa Marcos administration at ika-29 na pinuno ng Philippine National Police (PNP).

Kung mahigpit na paninindigan ni Acorda ang totoong paglilinis ng kanyang hanay batay na rin sa polisiya ng PNP na “Internal Cleansing” ay posibleng sumabit nga dito ang provincial director at regional director dahil sa hindi masugpong operasyon ng ilegal na sugal na BINGO NG BAYAN na “front” ng jueteng sa Oriental Mindoro.

Ayon sa impormasyon ng SAKSI Ngayon, ginagawang gatasan ng ilang tiwaling opisyal ng PNP ang naturang sugal.

Kaakibat ng pamumuno sa organisasyon ay ang responsibilidad at ang mabigat na pananagutan, kaya ang provincial director at regional director na tulad nina PCol Samuel Delorino at PBGen Joel Doria na nabigyan ng kapangyarihan sa bisa ng mandato ng “police service” ay may pananagutan batay na rin sa doktrina ng “command responsibility”.

Sakaling may pagkukulang at pagpapabaya nga sa kanilang tungkulin ang nabanggit na mga PNP official dahil sa hindi pag-aksyon laban sa pamamayagpag ng Bingo ng Bayan na “front” ng jueteng ay pagpapabaya sa tungkulin ang tawag dito.

Tila nababalewala rin ang kautusan ni Gen. Acorda na INTERNAL CLEANSING at “NO TAKE”  policy na pinatupad din ni Azurin.

Sa kabila ng direktiba ay tila walang naririnig dito ang nabanggit na mga opisyal.

Ayon sa source, ang operasyon ng Bingo ng Bayan cum jueteng ay protektado umano ng matataas na opisyal ng PNP, maimpluwensyang politiko na may inisyal na “LM” at Police General na may inisyal na “TF” o Talent Fee kaya untouchable ang Bingo ng Bayan cum jueteng sa Oriental Mindoro.

Samantala, balitang-balita rin ang pagdalo sa Change of Command Ceremony ni PRO4B Regional Director PBGen Joel Doria sa Camp Epifanio Navarro sa Calapan City ng maimpluwensyang politiko na si “LM” na may hawak umano ng operasyon ng Bingo ng Bayan cum jueteng.

Umaabot umano sa P8 milyon ang buwanang “payola” na ipinamumudmod ni “LM” sa mga kasanggang politiko maging sa ilang tiwaling opisyal ng kapulisan. (RONALD BULA)

175

Related posts

Leave a Comment