Namatay na sundalo, 8 na MILITARY CAR ACCIDENT PINAIIMBESTIGAHAN

IPINAG-UTOS ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines, partikular ang Philippine Army, ang nangyaring vehicular accident na kinasasangkutan ng isang KM 450 military truck na ikinamatay ng walong sundalo at ikinasugat ng anim na iba pa sa Uson, Masbate.

Agad na nagpahatid ng pakikiramay si AFP Chief of Staff General Bartolome VO Bacarro sa pamilya ng walong sundalong nasawi sa road mishap.

Kasabay ito ang pagtiyak na ibibigay ng AFP ang kinakailangang suporta sa dependents para malagpasan ang nararanasang paghihirap ganoon din sa medical needs ng anim na sugatang sundalo, isa rito ang nasa kritikal na kondisyon at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital.

Napag-alaman, umakyat na sa walo ang bilang ng mga sundalong namatay sa nasabing aksidente ng military vehicle sa Brgy. Buenasuerte sa nabanggit na bayan noong Linggo ng gabi.

Ayon kay Col. Xerxes Trinidad, spokesperson ng Philippine Army, bukod sa anim na idineklarang dead on the spot, pumanaw na ang dalawa pang sundalo habang nilalapatan ng lunas sa ospital.

Anim pa ang nasugatan sa nasabing insidente kabilang ang isang nasa kritikal ang kondisyon.

Magugunitang sakay ang 14 na sundalo sa KM450 military vehicle at magde-deliver ng supply sa kanilang temporary patrol base sa Brgy. Paguihaman, nang sumabog ang huling kaliwang gulong ng sasakyan kaya nawalan ng kontrol ang driver at sumalpok sa nakaparadang mixer truck bago bumaliktad.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Army chief, Lt. Gen. Romeo Brawner Jr. sa mga naulila ng mga biktimang namatay at tiniyak na mabibigyan ng necessary medical care ang mga sundalong nasugatan, at suporta sa kanilang mga pamilya.  (NILOU DEL CARMEN/JESSE KABEL)

11

Related posts

Leave a Comment