NAMBUDOL NG LOLA, 3 ARESTADO

CAVITE – Hindi umubra ang modus operandi ng tatlong miyembro ng budol-budol gang, nang maaresto sa follow-up operation matapos na biktimahin ang isang 72-anyos na lola sa Bacoor City sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.

Nahaharap sa kasong swindling (budol-budol), at paglabag sa RA 10591 at RA 9516 ang mga suspek na sina Rolando Samson y Dalisay, 53; Mark Sanchez y De Luna, 33, at Marilyn Geroy y Bañas, 50, dahil sa reklamo ni Jacinta Uriarte y Miranda ng Brgy. Molino IV, Bacoor City, Cavite.

Ayon sa reklamo ni Uruarte kay Corporal Edilberto Reyes ng Bacoor City Police, naglalakad siya sa Barangay Bayanan, Bacoor City nang lapitan siya ni Rolando at sinabing “Madam alam kong matulungin ang mga senior citizen, ‘di ko kasi kabisado ang lugar, may alam ka bang binibilhan ng makina ng motor boat”.

Pero sumingit sa kanilang usapan si Marilyn at nagsabing samahan sila at inalok ang kanyang Honda City na may plakang ZHK945, na minamaneho ni Mark. Dahil umano sa tiwala, sumama na rin sa kanila ang biktima.

Habang nasa loob ng sasakyan, ipinakita ni Rolando sa biktima ang bungkos ng pera na nakalagay sa isang brown na envelope na pambili umano ng makina ng motor. Muling sumingit si Marilyn at sinabing bakit hindi na lang niya ito ideposito sa banko subalit sumagot si Rolando na wala itong tiwala sa banko.

Sa puntong ito, pinangakuan ni Rolando ang matanda na bibigyan siya ng malaking komisyon kung magtagumpay ang kanilang transaksyon kaya sinabihan ng suspek ang biktima na tulungan siyang magbukas ng bank account.

Sinabihan din ang matanda na kunin ang kanyang ATM card sa kanilang bahay at nagkasundong hintayin siya sa harap ng kanilang subdibisyon sa Molino-Paliparan Road, Brgy. Molino IV, ng naturang lungsod na sinunod ng biktima.

Ilang sandali, bumalik ang biktima sa sasakyan dala ang kanyang ATM card at passbook at nag-withdraw siya ‘over -the-counter’ sa PS Bank Molino branch, ng halagang P150,000 habang naghihintay sa sasakyan ang mga suspek.

Dala ang pera, sumakay muli ang biktima sa sasakyan ng mga suspek, subalit habang nasa daan, tinawagan umano sila ng pagbibilhan ng motor na hindi ito available sa kanilang shop at nagkasundong  sa bahay na lamang ng biktima ide-deliver ang motor ng banca.

Sa puntong ito, sinabihan nina Rolando at Marilyn ang biktima na ilagay na lamang ang pera sa isang brown envelope subalit lingid sa kaalaman ng matanda ay nagkaroon ng ‘switching’ ang envelope na pinaglagyan ng pera.

Matapos pababain ang biktima at umuwi sa kanilang bahay, sinabihan itong hintayin na lamang sila habang sinusundo ang may-ari ng shop

Sa bahay ng biktima, naghintay ito sa pagdating mga mga suspek subalit nakalipas ang ilang oras ay walang dumating at sa puntong ito lamang niya binuksan ang hawak niyang envelope kasama ang kanyang pamilya subalit laking gulat nila na P1,050 lamang ang laman ng brown envelope at mga bungkos ng intermediate papers.

Humingi ng tulong ang matanda sa pulisya na nagsagawa ng follow-up operations na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-3:30 kamakalawa ng hapon at nakumpiska sa kanila ang isang kalibre .45 na baril at isang hand grenade, gayundin ang P150,000 cash na natangay mula sa biktima. (SIGFRED ADSUARA)

87

Related posts

Leave a Comment