DAVAO DEL NORTE – Patay ang isang nanalong barangay kagawad nitong nakaraang BSKE, matapos na pagbabarilin ng hindi kilalang suspek sa loob ng kanyang minimart sa Purok Mahogany, Barangay Sawata, sa bayan ng San Isidro sa lalawigang ito, noong Martes ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Jay Glen Dela Rama, 46, nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa ospital.
Si De Rama na retired member ng Philippine Army, ay kapapanalo pa lamang bilang kagawad ng Barangay Sawata.
Sa kuha ng CCTV ng minimart, makikita ang biktima na abala sa pakikipag-usap sa sales agent sa cashier counter dakong alas-8:00 ng umaga.
‘Di kalaunan, pumasok ang suspek na nakasuot ng jacket, sumbrero, facemask at may dalang sling bag.
Nagkunwari munang may hinahanap sa mga estante ang suspek at nang makatiyempo ay lumapit ito sa nakatalikod na biktima at pinaulanan ng bala.
Gumulong ang biktima sa counter at bumagsak sa sahig na may mga tama sa tiyan subalit muli pa itong binaril ng suspek.
Ayon sa mga nakasaksi, mabilis na tumakas ang suspek na sumakay sa isang naghihintay na walang plakang motorsiklo na minamaneho ng kasabwat nito.
Isinugod sa ospital ang biktima subalit pumanaw dakong alas-10:00 noong Miyerkoles gabi.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng San Isidro Police at inaalam ang mga posibleng motibo sa pamamaril kabilang ang pulitika at negosyo.
Inirekomenda ng San Isidro Police sa Police Regional Office XI na magbuo ng special investigation task group para sa mas mabilis na paglutas sa krimen.
(NILOU DEL CARMEN)
246