NANG-AGAW NG BARIL, KARNAPER TODAS SA PULIS

PATAY ang isang 23-anyos na hinihinalang karnaper, makaraan umanong mang-agaw ng baril habang iniimbestigahan sa Smokey Mountain PCP sa Tondo, Manila, nitong Martes ng madaling araw.

Kinilala ni Police Lt. Col. Gene Licud, commander ng Manila Police District – Station 1, ang biktimang si Artjohn Arufo, residente ng Rodriguez St., Balut, Tondo.

Batay sa ulat ng Smokey Mountain Police Community Precinct na sakop ng MPD Station 1, bandang 12:10 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa loob mismo ng nasabing PCP sa Mel Lopez Boulevard sa Vitas, Tondo.

Habang iniimbestigahan umano si Arufo nang bigla itong mang-agaw ng baril kay P/EMS Erwin Bacungan, deputy ng SM PCP, kaya nagpambuno ang dalawa.

Bunsod nito, pinaputukan ni P/EMS Bacungan sa ulo si Arufo na mabilis na isinugod sa Gat. Andres Memorial Medical Center subalit idineklarang dead on arrival.

Ayon kay Det. Errol Aguila ng MPD-Homicide Section, isasailalim imbestigasyon si Bacungan upang mabatid kung may pananagutan ito sa batas dahil sa insidente. (RENE CRISOSTOMO)

87

Related posts

Leave a Comment