CAVITE – Hinihinalang namatay sa drug overdose ang natagpuang bangkay ng isang babae dahil sa nadiskubreng mahigit P8 milyong halaga ng ilegal na droga sa isang bahay sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.
Sa panayam kay Police Major Dennis Villanueva, chief of police ng Tanza Municipal Police Station, overdose ang pinaniniwalaang dahilan ng pagkamatay ng babaeng natagpuan sa isang bahay sa Phrist Park Subdivision sa Brgy. Tanauan, Tanza, Cavite.
“Wala tayong nakitang anomang foul play sa pagkamatay ng biktima kaya tinitingnan natin ang overdose sa droga,” ayon kay Villanueva bagama’t hinihintay pa nila ang resulta ng medico legal examination.
Ayon pa kay Villanueva, isang “pick-up” girl ang nasabing babae na dinala lamang ng Nigerian national na umuupa sa nasabing bahay.
Nabatid pa mula sa hepe, madalas na may dinadalang iba’t ibang babae ang dayuhan sa bahay, batay sa impormasyon mula sa mga kapitbahay.
Ginagalugad na ng pulisya ang ilang clubs sa karatig lungsod at bayan na posibleng nakakikilala sa biktima na tinatayang 30-35 anyos ang edad.
Dagdag pa ni Villanueva, nagsasagawa na sila ng manhunt operation laban sa Nigerian national na nangungupahan sa nasabing bahay na responsable sa natagpuang P8,160,000 halaga ng ilegal na droga.
(SIGFRED ADSUARA)
246