ITINUTURING na isang national security threat ang ulat hinggil sa naglipanang mga pekeng dokumento na itinuturong nag-uugat sa korupsyon sa local government units.
Ito ang pag-amin ni Jonathan Malaya ng National Security Council, sa gitna ng nadiskubreng government IDs sa kamay ng mga banyaga.
Nabatid na isinusulong ngayon sa Senado na imbestigahan ang pagkakaroon ng government issued IDs tulad ng passport, lisensya, national ID ng mga foreigner na karamihan ay Chinese nationals.
Ayon kay Malaya, “Kami po sa National Security Council ay nababahala dyan sa pangyayaring ‘yan kung saan may mga foreign nationals na nakakakuha ng birth certificate so we consider this a national security threat”.
Paliwanag ng opisyal, oras na nakakuha na sila ng birth certificate ay makakukuha sila ng passport, makakukuha na sila ng national ID at magmumukha na sila na parang regular na mga Pilipino.
Sinasabing base sa pagsisiyasat ng NSC, “Mukha pong sa level ng local government unit, nagkakaroon ng bayaran ano, there are allegedly based on intelligence reports some local civil registrars na nakatalaga sa mga LGU kung saan nababayaran sila,” ani Malaya
“Itong mga corrupt public officials na ito ay sila ay nag-iisyu ng mga pekeng birth certificate na siyang pinapada sa Philippine Statistics Authority at ‘pag naka-record na po ‘yan sa PSA ay pwede nang humingi ng PSA certificate, copy of a birth certificate which can then lead to a passport which can then lead to many other documents like national ID,” paliwanag ni Malaya.
Sinasabing base sa profiling ng NSC…lumilitaw sa kanilang initial na imbestigasyon, karamihan sa kanila ay Chinese nationals. “Who were not born in the Philippine, do not have, who do not have any parental or links to Filipinos and who are not entitled to Philippine document,” ani Malaya
Tiniyak naman ng NSC na hindi sila titigil, sa tulong ng National Bureau of Investigation, hangga’t hindi natitigil ang modus operandi na ito na kasabwat ang tiwaling mga kawani ng LGUs.
(JESSE KABEL RUIZ)
317