INILABAS kahapon ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD) ang kanilang pinakahuling survey sa mga tumatakbong alkalde sa National Capital Region (NCR).
Sa survey ng RPMD, muling mananalo si Quezon City Mayor Joy Belmonte matapos makakuha ng 64 na porsiyentong boto habang si Congressman Mike Defensor na kanyang katunggali ay may 33 percent.
Si outgoing Navotas City Mayor Toby Tiangco na may 94% voters preference ay siguradong magwawagi sa kanyang dating posisyon sa Kongreso at ang lungsod ay ookupahan ng kanyang kapatid na si Congressman John Rey Tiangco na nakakuha ng 90% laban sa 7% ni RC Cruz.
Makikipagpalitan din ng puwesto si Mayor Oca Malapitan ng Caloocan City sa anak na si Congressman Along Malapitan at pareho silang nanalo sa karera na may 93% at 82%, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, si Congressman Ruffy Biazon ay nakatakdang manalo na may 88 percent ng suporta ng mga botante laban sa 10 percent para kay Red Mariñas at maging susunod na mayor ng Muntinlupa City.
Si dating Comelec Chair Benhur Abalos (86%) ng Mandaluyong, Rep. Wes Gatchalian (87%) ng Valenzuela, Vice Mayor Honey Lacuna (58%) ng Maynila, Rep. Eric Olivarez (83%) ng Paranaque, dating Vice Mayor Jeannie Sandoval (57%) ng Malabon, at Rep. Lani Cayetano (68%) ng Taguig ang inaasahang magiging mga bagong mayor ng NCR.
Tiyak din ang muling panalo nina Abby Binay ng Makati (97%), Marcy Teodoro ng Marikina (62%), Emi Calixto-Rubiano (95%) ng Pasay, Vico Sotto (70%) ng Pasig, Ike Ponce (86%) ng Pateros, Francis Zamora (87%) ng San Juan at Mel Aguilar (93%) ng Las Pinas.
Ang “Election 2022 NCR Survey” ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa kabuuang 10,000 respondents na random na pinili mula sa 7,322,361 rehistradong botante sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila. Ang survey ay may margin of error mula 2.5% hanggang 3.0 % para sa malalaking lungsod, habang ang margin of error para sa maliliit na bayan na may 850 respondents ay 3.36 percent.
162