WALANG puwang ang kabi-kabilang brownout kung sinunod ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang panuntunan sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), ayon sa isang bagitong kongresista.
Sa isang pahayag, hindi naitago ni Anakalusugan party-list Rep. Ray Reyes ang pagkabugnot sa aniya’y malinaw na kapabayaan ng NGCP.
Para kay Reyes, nakakaubos ng pasensya ang NGCP na inilarawan niyang punong-dahilan sa kakulangan ng supply sa kuryente sa mga lalawigang sakop ng Luzon at Visayas region.
Hayagang paratang ni Reyes, hindi ginagawa ng NGCP ang itinadhana sa EPIRA – partikular sa pagkakaroon ng ancillary service para makapag-imbak ng kuryenteng pwedeng gamitin sakaling magkaroon ng aberya ang mga planta ng enerhiya.
“Para na tayong sirang plaka, pero tag-ulan pa lamang ay hinahanapan na natin ng kontrata sa ancillary services ang NGCP,” ani Reyes.
“Maaga pa, sinabi na natin that ancillary services must be given attention with the then looming threat on the grid and its capacity to transmit electricity to electricity distributors and the consuming public, especially the health facilities,” dagdag pa niya.
Kaugnay ng patutsada ni Reyes, isang resolusyon ang inihain sa Kamara para ungkatin ang dahilan dinaranas na karimlan ng mamamayan sa Luzon at Visayas – at maging ang sisihan sa pagitan ng NGCP at power distribution companies.
Sa House Resolution 933, hinikayat ang House committee on energy na pangunahan ang congressional Inquiry. Kabilang sa mga may akda sina Iloilo 5th District Rep. Raul Tupas, kasama sina Rep. Julienne Baronda ng Iloilo City, Rep. Michael Gorriceta ng Iloilo 2nd district, Rep. Lorenz Defensor ng Iloilo 3rd district, Rep. Kiko Benitez ng Negros Occidental at Rep. James Ang Jr. ng grupong Uswag Ilonggo.
Para sa mga may-akda, bangungot para sa mga residente ang serye ng power outage na nagdulot ng perwisyo sa mamamayan, turismo at iba pang kabuhayang nakasandig sa kuryente.
“These power outages have caused serious disturbance to the Ilonggo people who are essentially being robbed of their Constitutional right to quality life, not to mention the negative impacts such incidents have to the economy and the resulting damage to properties.” (BERNARD TAGUINOD)
