Nilumpo ng Super Typhoon Karding KOMUNIDAD SA BURDEOS, QUEZON NAGPAPASAKLOLO

(NILOU DEL CARMEN)

HUMIHINGI ng tulong ang mga residente sa isang barangay sa bayan ng Burdeos sa Quezon na labis na sinalanta ng nagdaang Bagyong Karding.

Isa ang Barangay Carlagan sa pinakamatinding napinsala ng Bagyong Karding nang mag-landfall ito sa nasabing bayan na nasa isla ng Polillo noong Linggo ng hapon.

Batay sa datos PAGASA, unang tumama ang sentro ng bagyo sa kalupaan sa northeast portion ng bayan ng Burdeos kung saan naroon ang islang Barangay ng Carlagan at dalawang katabi nitong barangay ng Mabini at Bonifacio.

Sa ngayon ayon sa Quezon PDRRMO, halos 95% ng mga kabahayan dito ang nawasak.

Maging ang kanilang mga bangkang pangisda na siyang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente ay halos wasak ding lahat matapos ipaghampasan ng malalaking alon ng karagatan.
Hindi rin nakaligtas sa lupit ng bagyo ang kanilang eskwelahan at covered court.

Kaya dahil sa kawalan ng pag-asa sa nakapanlulumong pangyayari, nananawagan na ang kanilang punong barangay na si Jake Lape sa lahat ng puwedeng tumulong upang makaahon sila sa trahedyang kanilang sinapit.

Damit, pagkain, tubig at mga kagamitan para mabuo muli ang kanilang mga tahanan ang hinihiling ng kapitan para sa kanyang mga kabarangay.

Kailangan din nila anya ng kahit anong mapagsisimulan para sila makabangon.

Sa ngayon anya ay wala silang pinagkukunan ng kanilang mga pangangailangan kundi ang mga paunang tulong na ibinigay ng DSWD at pamahalaang panlalawigan at ang kanilang napakaliit na budget ng barangay para sa quick response.

Nagpapasalamat din ang kapitan sa mga indibidwal na nagpapadala ng tulong sa kanila.

Pero ayon sa punong barangay, hindi sasapat ang relief goods na kanilang natatanggap ngayon sa mahaba pang panahon na kanilang kakailanganin para sila makabalik sa normal na buhay at paghahanapbuhay.

Kayat bukod sa relief goods, hiling ng punong barangay sa lokal at nasyunal na pamahalaan at sa iba pang LGUs na mapagkalooban sila ng mga pansamantalang mapagkakakitaan para hindi sila aasa na lamang sa relief goods na hindi rin nila alam kung hanggang kailan tatagal.

Balikatan sa Polillo Islands

Samantala, patuloy ang pagpapadala ng pamahalaan nasyunal sa pamamagitan ng DSWD at pamahalaang panlalawigan ng Quezon ng tulong sa nasalanta ng Bagyong Karding sa Polillo Group of Islands.

Nasa mahigit 16,000 pamilya na ang nabigyan ng food packs sa 5 bayan ng Polillo, Burdeos, Panukulan, Patnanungan at Jomalig.

Nitong Lunes ng gabi, nasa 4,000 pamilya sa Patnanungan at mahigit 3,000 pamilya sa Jomalig ang unang nabiyayaan ng tulong.

Sinundan agad ito ng pagpapadala ng relief goods nitong Martes para sa nasa 4,000 pamilya sa Burdeos, 4,000 pamilya sa Panukulan at paunang 1,000 para sa Polillo.

Magkatuwang ang PNP at AFP sa paghahatid ng relief goods. Gamit ang helicopters ng Philippine Airforce, mula sa Villamor airbase sa Pasay City ay kaagad inililipad patungo sa isla ang mga tulong na nagmumula sa DSWD.

Nakaantabay naman ang PNP sa isla para sila ang magdala sa bayan-bayan.

Ang relief packs ay naglalaman ng pagkain, tubig, mga gamot, at mga damit.

Maging ang mga pampasaherong RORO na bumibyahe patungo sa mga isla ay tumulong na rin sa paghahakot ng relief packs na nanggagaling naman sa kapitolyo ng Quezon.

Ang bayan ng General Nakar na nasa mainland ng Quezon pero isa rin sa grabeng napinsala ay hinatiran din ng mga unang pangangailangan.

Sa special session ng Sangguniang Panlalawigan kahapon, isinailalim sa state of calamity ang limang bayan sa Polillo Group of Islands at ang bayan ng General Nakar.

6

Related posts

Leave a Comment