NO. 1 MOST WANTED CPP-NPA-NDF LEADER SA MINDANAO, NAPATAY

INIHAYAG ito ni Lt. Gen. Ernesto “Jun” Torres, commander ng Army 10th Infantry Division, matapos na maneyutralisa ng kanyang mga tauhan mula sa 1001st Infantry Brigade, Philippine Army, ang sinasabing founder ng New People’s Army sa Mindanao.

Ayon sa ulat na ibinahagi ni MGen. Jun Torres, kinilala ang napatay na ang veteran NPA fighter na si Menandro Villanueva alyas “BOK,” ang longest-serving secretary ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC), kasalukuyang secretary ng Komisyong Mindanao (KOMMID), Commanding Officer ng NPA’s National Operations Command (NOC), at kasapi ng makapangyarihang POLITBURO ng Central Committee ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Si Villanueva ay napatay sa engkwentro nang masabat ng mga tauhan ng 1001st Infantry Brigade ang kanilang grupo sa Brgy. Libudon, Mabini, Davao de Oro noong Miyerkoles ng gabi.

Una rito, nakatanggap ng intelligence report ang mga tauhan ng Philippine Army hinggil sa presensiya ng mga armadong kalalakihan na nagtitipon-tipon kaya pinakilos ni Brigadier General Jesus P. Durante III, ang kanyang tropa para magsagawa ng Focused Military Operations (FMO) kaya natunton ang Regional Headquarters, Southern Mindanao Regional Committee (RHQ-SMRC) kung saan nagkakanlong si alyas “BOK”.

Dead on the spot si Villanueva sanhi ng multiple gunshot wound habang patuloy pa ring tinutugis ng militar ang tumatakas na mga miyembro ng communist New People’s Army terrorist group.

Nabatid na si Villanueva ay isa sa founding members ng NPA sa Mindanao noong dekada 70 kasama ni Edgar Jopson. Dati siyang mag-aaral ng Ateneo de Manila, isang activist na kasapi ng Kabataang Makabayan (KM) at nagtago nang ideklara ang Martial Law.

Si alyas “BOK” ang nangangasiwa sa mga operasyon ng CPP/NPA sa buong Mindanao at direktang may control sa mga operasyon ng New People’s Army (NPA) bilang pinuno ng National Operations Command ng NPA. (JESSE KABEL)

38

Related posts

Leave a Comment