ISANG rape suspect na itinuturing na no. 9 most wanted person sa Camarines Norte sa Bicol, ang nadakip ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Police Office 5, sa SM North EDSA, Quezon City, ayon sa isinumiteng ulat kay Bicol PNP chief, P/BGen. Jonnel C. Estomo.
Kinilala ni P/BGen. Estomo ang nasakoteng suspek na si John Philip Pado Compuesto, 31, electrician, ng Brgy. Bagong Bayan, Jose Panganiban, Camarines Norte, nakatala bilang no.9 provincial MWP sa PRO5.
Sa pangunguna ng PRO5 Regional Special Operation Unit 5 (lead unit), katuwang ang PIT Camarines Norte Regional Intelligence Unit (RIU5), CNCIDT, MARPSTA5, CNPHPT, RPDEU5, TALISAY MPS, sa pakikipagtulungan ng QCPD Police Station, ay ikinasa ang law enforcement operation sa pangangasiwa ni P/Lt. Col. Wilfredo V. Sy, chief, RSOU5.
Una rito, nagsagawa ng intelligence operations sa labas ng hurisdiksyon ng PRO5 ang RSOU at RIU5 para matunton ang pinagtataguan ng suspek.
At nang magpositibo sa kanilang pakay, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Evan D. Dizon, ng RTC Branch 40, 5th Judicial Region, Daet, Camarines Norte, sa kasong rape na walang piyansa, ay sinalakay ng mga pulis ang kinaroroonan ng suspek at ito ay inaresto.
Si Compuesto ay sinasabing responsable sa panghahalay sa katorse anyos na dalagita sa Jose Panganiban town, Camarines Norte. (JESSE KABEL)
117