PATULOY ang paghina ng pwersa ng New People’s Army (NPA) sa Bicol matapos ang sunod-sunod na pagbabalik-loob ng mga miyembro nito sa gobyerno.
Ayon kay Bicol PNP chief, Police General Jonnel C. Estomo, dalawang kasapi ng NPA sa Masbate at Sorsogon ang tuluyan nang bumitaw sa rebeldeng samahan at mas piniling tanggapin ang alok na bagong buhay mula sa pamahalaan.
Sa isla ng Masbate, isang aktibong miyembro ng Larangan 2, Komite ng Probinsya 4, Kilusang Larangan Guerilla sa ilalim ng Bicol Regional Party Committee, ang sumuko sa mga operatiba ng Masbate Police Provincial Office.
Ito ay itinago sa pangalang “Dodong”, 26-anyos, residente ng Pio V. Corpus, Masbate. Nangyari ang kanyang pagsuko dakong 11:00 ng umaga sa Brgy. Pawican, Cataingan, Masbate.
Samantala, sa Sorsogon naman ay piniling wakasan ng 50-anyos na lalaki ang madugong pakikipaglaban sa loob ng rebeldeng samahan at nagpasyang muling tahakin ang tahimik at tuwid na daan.
Itinago ang kanyang pagkakakilanlan bilang alyas “Lito”. Siya ay tumatayong Assistance Leader, Sparu, Assistant Intel Officer sa ilalim ng Platoon 3, Komite ng Probinsya 3. Si Lito ay boluntaryong sumuko sa kawani ng Sorsogon Police Provincial Office dakong alas-3:00 ng hapon sa Brgy. Abucay, Pilar, Sorsogon.
Ang pagbabalik-loob ng dalawa ay bunga ng agresibo at walang humpay na paglulunsad ng Retooled Community Support Program ng PNP Bicol sa pamumuno ni P/BGen. Estomo, PNP-PRO5 Regional Director.
Aniya, ang programang ito ay naging daan para mailahad sa mga rebelde ang naghihintay na oportunidad at pag-asa na handang ipagkaloob ng pamahalaan bilang tulong sa kanilang pagsisimulang muli.
“Kami sa aming hanay sa PNP Bicol kasama ang iba pang ahensya ay malawak ang ginagawang paghahanda upang mabigyan kayo ng maganda at maayos na bukas. Kaya naman kayo ay aming hinihimok na bitawan na ang mali at baluktot na pakikipaglaban at piliing maitama ang inyong maling desisyon. Makatitiyak kayo na aming pangangalagaan ang tiwala na inyong ibinigay sa amin. Kami ay inyong mga kakampi at sa laban kontra terorismo ay iisa tayo,” ayon pa kay P/BGen. Estomo. (JESSE KABEL)
191