OBRERO HULI SA PAGNANAKAW, DALAGA TINARAKAN

CAVITE – Sugatan ang isang 36-anyos na dalaga nang saksakin ng isang obrero nang mahuli nitong nanloob at tinangay ang kanyang laptop sa kanilang bahay sa bayan ng Carmona sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.

Nilalapatan ng lunas sa Carmona Hospital and Medical Center ang biktimang si Marisol Aguilar y Marasigan, ng Brgy. Lantic, Carmona, Cavite, dahil sa tama ng saksak sa katawan.

Hawak na ng pulisya ang suspek na si Raymundo De Guzman, 45, isang construction worker at residente sa nasabi ring barangay.

Ayon sa ulat, dakong ala-1:00 ng hapon nang mahuli ng biktima ang suspek sa loob ng kanyang bahay habang hawak ang kanyang laptop na nagkakahalaga ng P30,000.

Tinangka ng suspek na tumakas pero dahil namukhaan siya ng biktima, tinarakan nito sa dibdib ang dalaga ng isang matulis na bagay.

Bagama’t may sugat sa katawan, nagawa ng biktima na humingi ng tulong sa roving guard sa kanilang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Kasong theft at frustrated homicide ang kinahaharap ng suspek. (SIGFRED ADSUARA)

15

Related posts

Leave a Comment