BATANGAS – Patay ang isang construction worker matapos na barilin ng hindi kilalang gunman sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Bolbok, Lipa City, noong Martes ng gabi.
May tama ng bala sa pisngi at wala nang buhay nang datnan ng kanyang ama habang nakabulagta sa kamang plywood ang biktimang si Mark Anthony Ordona, 35-anyos.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, alas-8:00 ng gabi nang makarinig ang kapitbahay na ama nito na si Ruben Ordona, ng dalawang putok ng baril mula sa bahay ng biktima.
Nang puntahan ng ama, kasama ang iba pang nagrespondeng mga kapitbahay, natuklasan na wala nang buhay ang biktima.
Lumabas sa imbestigasyon na kausap nito sa cellphone ang kanyang misis na nagtatrabaho sa ibang lugar, nang ito ay pasukin sa kuwarto at barilin ng suspek.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam kung sino ang suspek at kung ano ang motibo sa krimen.
(NILOU DEL CARMEN)
218