OFWs EXEMPTED NA SA PAGHAHAIN NG ITR

NABAWASAN na ang alalahanin at pasanin ng Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil hindi na oobligahin ang mga ito na maghain ng kanilang Income Tax Return (ITR).

Ito ang isa sa mga nilalaman ng Ease of Paying Taxes Bill na inaprubahan ng Bicameral Conference Committee at niratipikahan sa dalawang kapulungan ng Kongreso noong Miyerkoles ng gabi.

“This will bring significant relief to our Filipino migrant workers. This bill, once enacted into law, will exempt Filipino migrant workers from the obligation of filing income tax returns, marking a significant step towards easing their financial and emotional burdens,” ani House Committee on Overseas Workers Affairs chairman, Rep. Ron Salo ng Kabayan Party-list.

Sa kasalukuyang sistema, hindi na pinagbabayad ng buwis ang OFWs dahil ang kinikita ng mga ito ay galing sa ibang bansa subalit inoobliga pa rin ang mga ito na maghain ng kanilang ITR kada taon.

Malaking balakid umano ito sa tinaguriang mga bagong bayani kaya pinaamyendahan ni Salo ang National Internal Revenue Code upang ilibre ang OFWs na paghahain ng taunang ITR.

“Our Filipino migrant workers should not have to grapple with tax paperwork while working hard to support their families and contribute to our country’s economic stability. This exemption will free their minds from unnecessary stress and allow them to concentrate on their jobs and personal lives,” ayon sa mambabatas.

Tanging ang lagda na lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang kailangan para tuluyang maipatupad ito at mabawasan ang alalahanin ng OFWs na siyang bumubuhay sa ekonomiya ng bansa dahil sa bilyon-bilyong dolyares na ipinapadala ng mga ito sa kanilang naiwang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

“The approval of this provision in this legislative measure sends a clear message: we recognize the sacrifices our Filipino migrant workers and we want to unburden them from unnecessary bureaucratic procedures,” dagdag pa ng mambabatas.

(BERNARD TAGUINOD)

313

Related posts

Leave a Comment