NAGDULOT ng panibagong aksidente ang nagkalat na langis mula sa isang Ford pick-up sa northbound lane ng panulukan ng Osmeña Highway at San Andres sa Sta. Ana, Manila, Lunes ng umaga.
Sa ulat ni Police Major Jaime Gonzales, Chief Investigator ng Manila District Traffic Enforcement Unit, alas-11:00 ng umaga, binabaybay ni Rommel Nermal, 56, ang nasabing kalye nang tumagas ang langis ng makina ng minamaneho nitong Ford pick-up kaya itinabi nito ang sasakyan.
Siyang pagdaan naman ng motorsiklong minamaneho ni Richard Caballero, ng Pasig City angkas ang isang nagngangalang “Aubrey” kaya sumemplang ang mga ito.
Para makaiwas, biglang huminto ang sedan taxi kaya bumangga ang kasunod nitong Toyota van na minamaneho ni John Dave, 41, ng Dagupan, Pangasinan.
Nadamay rin sa karambola ang isang BMW wagon na minamaneho ng isang Vannesa Joy, 22.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung sino ang dapat managot sa insidente. (RENE CRISOSTOMO)
