LAGUNA – Hinoldap ng dalawang lalaki ang isang online seller habang nagsasagawa ng online selling sa kanyang shop sa Sta. Rosa City sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat, noong nakaraang Lunes, Setyembre 4, makikita sa live video habang abala sa pagbebenta ng kanyang mga panindang bag at damit ang 52-anyos na biktimang si Agnes Serafica nang biglang mapahinto dakong alas-2:00 ng hapon.
Nakapasok na pala ang suspek na nakasuot ng helmet. Bigla nitong itinaob ang cellphone na ginagamit ng biktima sa live selling ngunit dinig pa rin ang kanilang usapan.
Pinadapa ng suspek ang biktima at hinanapan ng pera saka tinakot na babarilin kung hindi ibibigay.
Nang walang makuhang pera, ipinahubad nito ang lahat ng mga alahas ng biktima na nagkakahalaga ng P100,000, at tinangay ito kasama ng cellphone na ginagamit sa live selling.
Napag-alaman na may kasapakat ang suspek na nagsilbing look-out sa labas ng shop.
Gayunman, nakilala ang mga ito dahil sa kuha ng CCTV habang tumatakas lulan ng motorsiklo. Bunsod nito, sumuko ang mga suspek.
Napag-alaman din na isa sa mga suspek ay kapitbahay ng biktima.
(NILOU DEL CARMEN)
122