ISINAILALIM sa preventive suspension ang isang Security Screening Officer (SSO) ng Office of the Transportation Security (OTS), matapos mang-extort umano ng halagang 20,000 yen katumbas ng P8,000 mula sa isang Japanese national.
Ayon kay OTS Administrator Mao Aplasca, nangyari ang insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 noong Pebrero 22 habang nagpapatupad ng kanyang tungkulin ang suspek.
Kinuha umano nito ang 20,000 Yen sa bagahe ng Japanese, at hindi naisauli sa kabila ng pakiusap ng Hapon sa kanya.
Kasalukuyang sumasailalim sa masusing imbestigasyon ang suspek, at kasabay nito ang pagsasampa ng criminal at administrative case laban dito, nang sa gayon hindi na muling mangyari sa ibang pang dayuhan, ayon pa kay OTS Spokesperson Kim Marquez. (FROILAN MORALLOS)
