P.4-M SHABU NASABAT SA BUY-BUST SA CAVITE

CAVITE – Mahigit P400,000 halaga ng umano’y shabu ang nasamsam matapos na maaresto ang isang 37-anyos na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito, noong Lunes ng madaling araw.

Kinilala ang arestadong suspek na si Jaypee Talactac y Catcalin, binata, ng Brgy. Amaya 1, Tanza, Cavite.

Ayon sa ulat, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Special Operations Unit 4A, sa pamumuno ni P/BGen. Remus Medina, director PNP Drug Enforcement Group (DEG), at Tanza Municipal Station sa Brgy. Amaya 1, Tanza, Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Nakumpiska mula sa suspek ang 65 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P442,000 at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Ang suspek na sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165, ay nakakulong na sa PNP DEG-SOU 4A para sa dokumentasyon. (SIGFRED ADSUARA)

Related posts

Leave a Comment