P1.3-B PPE DEAL NG PS-DBM PINUNA RIN NG COA

PINUNA ng Commission on Audit (COA) ang tinintahang 1.3-bilyong pisong kontrata ng Department of Budget and Management-Procurement Services (DBM-PS) para makabili ng Personal Protective Equipment (PPE) laban sa COVID-19.

Makikita sa 2021 audit report ng COA, hindi nakapagsumite ng kaukulang Certificate of Medical Device Notification (CMDN), supplier na binilhan ng DBM-PS ng mga surgical masks, face shields, aprons, gloves, coveralls, head and cover gowns at respirators.

Nakasaad sa ilalim ng Food and Drug Administration (FDA) circular noong November 3, 2020, ang CMDN ay isang requirement para sa mga importers at manufacturers ng mga medical device at equipment kasama ng kaukulang license to operate nito.

Lumalabas din sa 1.386 bilyong pisong kontrata, tinatayang aabot sa 505.7 milyong piso ng purchase order ang hindi na-deliver at hindi nabayaran bago matapos ang taong 2021.

Ang katuwiran naman ng PS-DBM sa COA, ang CMDN ay required lamang kapag ang PPE ay ibebenta commercially at pinayagan ng DOH at WHO ang pagsumite ng mga kaparehong foreign documents para sa pag-angkat ng PPE.

Ang pagbili aniya ng PPE ay nangyari sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung saan mahigpit ang mga ipinatutupad na lockdown at nangangailangan ng agarang pagbili ng mga nasabing kagamitan. (CHRISTIAN DALE)

Related posts

Leave a Comment