P1.3-M KADA ARAW GASTOS SA SEGURIDAD NI VP SARA AT PAMILYA

GUMUGUGOL ang Filipino taxpayers ng mahigit P1.3 million araw-araw para sa seguridad ni Vice President Sara Duterte at kanyang pamilya.

Ito ay sa gitna ng naghihirap na mamamayan dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ayon kay House deputy minority leader France Castro.

Inihayag ito ni Castro bilang reaksyon sa sinabi ni Duterte sa Senado na ang P500 million confidential fund sa susunod na taon ay gagamitin umano sa “safe, secure and successful implementations of programs, activities and projects [PAPs] and engagements of the Office of the Vice President”.

“If we are to divide the P500 Million confidential funds per day of the year 2024, then it appears that the OVP will spend P1,369,863.01 per day just to secure VP Duterte and her family. She also had that much money in 2023,” ani Castro.

“Lumalabas na napaka maaksayang opisina ng OVP. Napakagastos kung yung ‘delivery of services’ sa pakahulugan ng kasalukuyang VP ay may kakabit na napakaluhong price tag para sa security niya. Mabuti pa kung sa DSWD na lang ibigay ang P500 million para may pang-ayuda sa mga mahihirap,” ayon pa sa mambabatas.

Samantala, bagama’t kapwa lusot na sa committee level sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang budget ng Office of the Vice President (OVP), nais pa rin ng isang mambabatas na burahin ito sa 2024 general appropriations bill (GAB).

Noong Lunes ay inaprubahan na rin sa Senate Finance Committee ang P2.385-billion sa pamamagitan ng mosyon ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., apat na araw matapos ipa-terminate ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang deliberasyon sa budget ni Duterte bilang pagsunod umano sa naging tradisyon sa Kongreso na hindi na binububusi ang pondo ng OVP at Office of the President bilang kortesiya sa mga nasabing tanggapan.

Subalit, ayon kay Liberal Party (LP) president at Albay Rep. Edcel Lagman, hindi pa tapos ang laban dahil dadaan pa sa plenaryo ang pambansang pondo kung saan nais umano nitong ipabura ang P500 confidential fund ni Duterte.

“As far as I’m concerned I don’t want a reduction, I want a complete elimination of that confidential fund,” ani Lagman dahil naging tradisyon na aniya na hindi binibigyan ng confidential fund ang OVP.

Ipinaliwanag ng beteranong mambabatas na hindi kasama sa mandato ng OVP ang intelligence gathering kaya kailangang panatilihin ang tradisyong ito.

(BERNARD TAGUINOD)

450

Related posts

Leave a Comment