NAGBIGAY si Pampanga Governor Dennis “Delta” Pineda ng P1-milyong pabuya sa sinomang makapagbibigay ng lead para sa ikadarakip ng mga suspek na nagtangka sa buhay ni Provincial Legal Officer Atty. Gerome Tubig na pinagbabaril noong Lunes ng umaga sa Barangay Sto. Rosario, City of San Fernando.
Ang nasabing P1 milyong cash reward ay ipagkakaloob sa sinomang makapagtuturo ng pagkakakilanlan ng mga responsable sa pamamaril upang ang mga ito ay agad na maaresto.
Kasabay nito, mariing kinondena rin ng gobernador at Bise Gobernador Lilia Pineda ang nasabing pag-ambush kay Atty. Tubig.
Inatasan na ng gobernador si Pampanga Police Director Col. Levy Hope Basilio na alamin ang motibo, hulihin, kasuhan at ikulong ang mastermind at gunmen sa nasabing krimen.
Magugunita na si Tubig, habang sakay ng kanyang BMW sedan at naka-park sa tapat ng VL Makabali Hospital, ay pinagbabaril ng dalawang armadong kalalakihang sakay ng motorsiklo. Kasalukuyang nilalapatan ng lunas ang biktima sa nabanggit na ospital. (ELOISA SILVERIO)
