UMABOT sa P100 milyong halaga ng ipinuslit na kontrabando ang nasabat sa isang operasyon sa Valenzuela City, iniulat ng Bureau of Customs (BOC) noong Martes.
Ayon sa BOC, ang tagumpay na operasyon noong Marso 25 ay pinangunahan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Intellectual Property Rights Division (CIIS-IPRD) at BOC-Port of Manila.
Taglay ang letter of authority na inisyu ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero, sinuri ng pangkat ang bodega sa #8 Rincon Road, Valenzuela City at natuklasan ang mga ukay-ukay at huwad na signature items gaya ng Nike, Crocs, at iba pa.
Ininspeksyon ang mga kontrabando sa harap ng mga kinatawan ng CIIS, National Bureau of Investigation, at Armed Forces of the Philippines.
Patuloy ang imbestigasyon para sa posibleng naging paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines at Customs Modernization and Tariff Act.
Kasabay nito, tiniyak ng kawanihan na susupilin ang smuggling sa bansa sa pinaigting nitong border protection efforts. (ALAIN AJERO)
107