P102K DROGA TIKLO SA TULAK SA PASIG

ARESTADO ang 25-anyos na umano’y tulak ng ilegal na droga sa isinagawang anti-drug operation ng mga tauhan ng Pasig PNP.

Ayon sa ulat ni P/Col. Celerino Sacro Jr., kinilala ang nadakip na si alyas Junior, kilala rin bilang si alyas “Paner”, 25, binata, tricycle driver at nakatira sa E. Santos St., Brgy. Pinagbuhatan sa lungsod.

Dakong 11:10 ng gabi noong Nobyembre 11 nang masakote ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit, 8th Mobile Force Company at Regional Mobile Force Battalion, ang suspek sa nabanggit na lugar.

Nakuha sa suspek ang 21 piraso ng plastic sachet na pinaniniwalaang shabu na may bigat na 15 grams at nagkakahalaga ng P102,000, buy-bust money at shabu paraphernalia.

Agad dinala sa EPD-Forensic Unit sa Mandaluyong City ang suspek para sa drug test at laboratory examination. (ENOCK ECHAGUE)

43

Related posts

Leave a Comment