P125-M CONFI FUND NI VP SARA, 11 ARAW LANG GINASTOS

HINDI 19 araw kundi 11 araw lamang ginastos ni Vice President Sara Duterte ang P125 million confidential funds na ibinigay sa kanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., noong December 2022 para sa Office of the Vice President (OVP).

Ito ang inamin ng Commission on Audit (COA) sa pamamagitan ni House appropriations committee vice chairperson at Marikina Rep. Stella Quimbo na siyang sponsor sa budget ng nasabing komisyon.

“Madame Speaker, ang totoo po ay nagulat din po ako noong mabasa ko ang mga balita na nagastos po sa loob ng 19 days. Tinanong ko po ang COA at tiningnan ko ang iba’t ibang reports pero hindi po ito (P125 million) nagastos ng 19 days kundi 11 days,” ani Quimbo.

Ikinagulat din ito ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na siyang nag-interpellate kay Quimbo dahil sa kanyang unang pagtataya, 19 araw lang inubos ni Duterte ang kanyang confidential funds dahil mula nang matanggap ito ng kanyang tanggapan noong December 13, 2022 ay naubos ito pagsapit ng December 31, 2022.

Dahil dito, lumalabas na gumastos ang OVP ng P11,363, 636.4 kada araw taliwas sa kuwentada ng Makabayan bloc na P6,578,947.37 kada araw.

“Eleven days? Ang hirap nun kasi parang, kung surveillance yan ilang reward payment po yan na aabot ng eleven million pesos per day. Eleven days!!” ani Brosas.

Dahil dito, ipinanukala ni Quimbo ang pagtatag ng “special oversight committee” para mabusisi ng Kongreso ang paggamit ng mga confidential and intelligence funds (CIFs) ng mga ahensya ng gobyerno.

“Naniniwala ako na ang kaban ng bayan ay dapat ginagastos para sa kaunlaran ng bayan. This can only be achieved with a stronger push towards transparent governance,” ayon kay Quimbo na inayunan ni Brosas.

Ang itatatag na special oversight committee sa CIFs, ay kabibilangan ng mga mambabatas mula sa mayorya at minorya.

(BERNARD TAGUINOD)

291

Related posts

Leave a Comment