P13.9-M SHABU NASABAT SA BULACAN DRUG BUST

BULACAN – Isang 44-anyos na na lalaki ang inaresto sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Marilao Police Station at Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) makaraang makumpiskahan ng P13.9 milyong halaga ng ilegal na droga sa Brgy. Loma De Gato, sa bayan ng Marilao sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ni Bulacan Police Provincial Office (BulPPO) director, Col. Relly Arnedo ang inarestong suspek na si Marlon Palmario, residente ng Novaliches, Quezon City.

Si Palmario ay matagal nang under surveillance hinggil sa pagbebenta nito ng ilegal na droga kaya nang magpositibo sa transaksyon ay agad na ikinasa ang drug entrapment.

Ayon kay Arnedo, huli sa akto ang suspek habang nagbebenta ng ilegal na droga sa isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa pag-iingat ng suspek ang dalawang pakete ng high grade shabu na nakapaloob sa Chinese tea bag na tumitimbang ng 2,050.0 grams at tinatayang P13,940,000 ang halaga, at 67 piraso ng one-thousand-peso bill boodle money. (ELOISA SILVERIO)

321

Related posts

Leave a Comment