P2.4-M PAINTINGS IBINENTA, CARETAKER TIKLO

CAVITE – Bunsod ng isang post sa social media, nabuking na nawawala ang mamahaling paintings ng isang event stylist at nalaman nitong nabili ito ng isang buyer, na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanyang 30-anyos na caretaker sa bayan ng Alfonso sa lalawigang ito, noong Sabado ng gabi.

Personal na dumulog sa tanggapan ng Alfonso Police Station ang biktimang si Manuel Francisco y Junio, 63, ng Brgy. Esperanza Ilaya, Alfonso, Cavite, at ipinaaresto ang suspek na kanyang stay-in caretaker na si Virgilio De Lima y Roldan.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Boyet Soriano ng Alfonso MPS, dakong alas-6:30 noong Sabado ng gabi nang matuklasan ng biktima na nawawala ang mahigit P2.4 milyong halaga ng kanyang mga lumang paintings at holy images sa kanyang bahay sa Brgy. Esperanza, Ilaya, Alfonso, Cavite.

Una rito, nakita ni Francisco sa Facebook ang post ng isang tuwang-tuwang buyer na nakabili ng isang painting at kinutuban ito na tila painting niya ang nabili.

“Nag-chat siya (biktima) sa buyer kung saan nito nabili subalit agad nitong binura ang kanyang post,” ayon kay Soriano

Dahil dito, agad itong umuwi sa kanyang bahay sa Cavite kung saan nadiskubre niyang nawawala ng mga paintings at holy images nito dahilan upang humingi ng tulong sa pulisya at inaresto si De Lima dahil siya lamang ang tao at may hawak ng susi sa kanyang  bahay.

Nabatid na matagal nang caretaker ng biktima ang suspek at bihira umano itong umuwi sa Cavite at ang mga paintings at holy images nito ay nakalagay sa isang bodega sa kanyang bahay. (SIGFRED ADSUARA)

28

Related posts

Leave a Comment