P20-M AGRICULTURAL PRODUCTS NASABAT

NASABAT ng Bureau of Customs ang tinatayang P20.2 milyong halaga ng smuggled na agricultural products sa Port of Subic, katuwang ang Department of Agriculture.

Ayon kay Port of Subic District Collector Maritess Martin, naglabas ng Alert Orders noong Disyembre 1 laban sa mga shipment ng Veneta Consumer Goods Trading at Lalavy Aggregates Trading, mula sa China.

Isinailalim sa physical examination ang mga container van noong Disyembre 6, sa presensya ng mga opisyal ng BOC at kinatawan ng DA sa pangunguna ni Asst. Secretary James Layug, Subic Bay Metropolitan Authority, Philippine Drug Enforcement Agency, at Chamber of Customs Brokers, Inc.

Nadiskubre na ang laman ng isang container van ng Veneta na idineklarang “foodstuffs” ay frozen carrots.

Ang 2×40 container naman ng Lalavy na idineklarang may kargang frozen lobster balls and crab sticks, ay naglalaman pala ng pula at puting sibuyas.

Naglabas ang Port of Subic ng Warrants of Seizure and Detention (SWD) laban sa naturang mga shipment matapos ang kumpletong eksaminasyon at imbentaryo.

Nakatakdang sampahan ang consignee ng mga kargamento ng mga kasong paglabag sa DA Administrative Order No. 18 series of 2000, DA Circular No. 4 series of 2016, at Republic Act (RA) 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Sinabi ni BOC Commissioner Filemon Yogi, patuloy ang mahigpit nilang pagbabantay laban sa agricultural smuggling na sinasamantala ng mga smuggler lalo ngayong papalapit na ang Pasko. (RENE CRISOSTOMO)

30

Related posts

Leave a Comment