P20-M DROGA NASABAT SA 2 BUY-BUST SA CEBU

CEBU – Tinatayang mahigit sa P20 milyong halaga ng illegal drugs ang nakumpiska ng mga awtoridad sa dalawang magkasunod na buy-bust operation sa lalawigan.

Naaresto ang dalawang high value individuals (HVIs) at nasamsam sa mga ito ang dalawang kilo ng ilegal na droga.

Ayon sa Cebu PNP, isinagawa ang unang operasyon sa Sitio Upper, Barangay Bacayan sa Cebu City noong Martes ng gabi at natimbog ang isang Kenneth Cabajar, 26, na isang regional HVI.

Nakumpiska sa suspek ang 15 medium packs ng ilegal na droga na tinatayang may timbang na 1 at kalahating kilo, at nagkakahalaga ng P10.2 million.

Base sa imbestigasyon ng Central Visayas Regional Drug Enforcement Unit, ang suspek ay trustee ng isang inmate sa Cebu City Jail na siyang nag-utos dito na pik-apin ang droga sa Barangay Mambaling.

Samantala, sa isa pang operasyon noong Miyerkoles ng gabi, natimbog naman ng mga operatiba ng Cebu Provincial Drug Enforcement Unit ang isang alyas “Stephen” sa Barangay Jugan, sa bayan ng Consolacion.

Ayon sa Cebu Police Provincial Office, ang suspek ay residente ng San Mateo, Rizal at palipat-lipat ng operasyon hanggang ito ay maaresto sa Cebu.

Nakuha naman dito ang 1.6 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P11 million.

Bukod sa illegal drugs, nakumpiskahan din ang suspek ang isang .22 kalibreng revolver at mga bala.

Ayon pa sa mga awtoridad, base sa pag-amin ng suspek, ito na ang ikaapat na beses niyang pagde-deliver ng illegal drugs sa Cebu na nanggaling sa Metro Manila.

(NILOU DEL CARMEN)

35

Related posts

Leave a Comment