P3.7-M KUSH MULA CANADA, NASAMSAM SA SUBIC FREEPORT

MAHIGIT dalawang kilo ng high grade marijuana o kush, ang nasabat ng mga awtoridad sa isinagawang controlled delivery operation  sa Subic Bay Freeport Zone noong Lunes ng hapon.

Isinagawa ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency Zambales Provincial Office, Clark Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, Bureau of Customs (BOC) Port of Clark, at Port of Subic ang operasyon at naaresto ang 32-anyos na si alias “Niko” na siyang tatanggap ng package.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang 5 pouches na naglalaman ng tinatayang 2,336 grams ng dried leaves at fruiting tops ng marijuana na may street value na P3,737,600.

Ayon sa PDEA, dumating ang package sa Port of Clark noong Pebrero 19, 2023 mula sa Canada.

Subalit natunugan ng ahensya ang impormasyon mula sa PDEA-International Cooperation and Foreign Affairs Service na may paparating na package na may lamang marijuana.

Nakadeklara bilang “window curtain” ang laman ng package pero pagdaan sa X-ray at K-9 inspections, natuklasang positibo itong naglalaman ng ilegal na droga.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 (Importation of Dangerous Drugs) ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang nahuling claimant. (NILOU DEL CARMEN/JAY-CZAR LA TORRE)

106

Related posts

Leave a Comment