P300M PEKENG SABON KINUMPISKA NG NBI

SINALAKAY ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation at Food and Drug Administration sa Central Luzon, ang siyam na establisimyento at kinumpiska ang P300 milyong halaga ng umano’y mga pekeng produkto ng sabon sa lalawigan ng Bulacan.

Katuwang ng FDA, pinangunahan ng National Bureau of Investigation – National Capital Region at Bulacan District Office, ang naturang operasyon.

Ayon sa ulat ng NBI na isinumite kay NBI Director Atty. Medardo De Lemos, isang multinational company ang nagsampa ng reklamo hinggil umano sa delikadong proseso ng paggawa at ilegal na pagkopya ng kanilang produkto na ibinibenta sa Northern at Southern Luzon.

Kabilang sa nasabing mga pekeng produkto ang bath soap, detergent soap, shampoo, dishwashing soap, atbp.

Iniaalok o ibinebenta umano ang nasabing mga produkto per kilo dahil sa mga nasirang packaging at hindi batid ng mga bumibili na ito ay mga peke.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9711, o FDA Act of 2009, at Republic Act 8293, o kilala bilang Intellectual Property Code of the Philippines, ang mga manufacturer ng pekeng mga produktong sabon.

Pinayuhan naman ng FDA at binalaan ang publiko tungkol sa pekeng mga produkto.

 “Doon pa lang sa label ng produkto, hanapin po nila ang LTO na tinatawag, ‘yong License to Operate, or kung meron man pong Certificate of Product Notification o Registration” sabi ni Gomel Gabuna, ang North Luzon cluster director ng FDA.

“Directive po ng aming new Director General Samuel Zacate na paigtingin ang information drive para ma-inform ang ating mga kababayan sa programa ng FDA,” dagdag pa nito. (RENE CRISOSTOMO)

57

Related posts

Leave a Comment