P37-M SMUGGLED AGRICULTURAL PRODUCTS NASABAT

TINATAYANG nasa P37 milyong halaga ng smuggled na produktong agrikultura ang nasabat ng Bureau of Customs-Port of Subic noong nakaraang Martes sa Zambales.

Base sa report ng BOC, nadiskubre ang kontrabando dahil sa pagsasagawa ng Pre-Lodgment Control Orders sa shipment na naka-consign sa EMV Consumer Goods Trading at JKJ International Co.

Ayon sa ulat, nagsagawa ang BOC ng physical examination sa isang container van na idineklarang 4,050 pakete ng ‘anti-bacterial wipes’ ngunit lumabas na mga ‘refined sugar’ pala ang laman.

Isa pang container van na idineklarang ‘mantou bread’ at ‘egg tarts’ ang laman ngunit nang buksan ay nadiskubre na puno ito ng mga pulang sibuyas.

Iniutos ni Maritess Martin, District Collector ng Port of Subic, ang pagpapalabas ng Warrants of Seizure and Detention (WSD) sa mga shipment dahil sa paglabag sa Department of Agriculture Administrative Order (DAO) No. 18 series of 2000 at DA Department Circular No. 4 series of 2016, na kaugnay ng Republic Act (RA) No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Nangako si Martin na lalo pang palalakasin ang kampanya kontra smuggling ng mga produktong agrikultura lalo ngayong magpa-Pasko. (RENE CRISOSTOMO)

11

Related posts

Leave a Comment