INIHAYAG ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bienvenido Rubio, umabot na sa mahigit P5 bilyong halaga ng ilegal na vape products ang kanilang nakumpiska sa loob lamang ng sampung buwan.
Pagmamalaki ni Comm. Rubio, ang nasabing halaga ay resulta ng pinaigting na kampanya nila laban sa illegal vapes at vape products sa bansa.
Sinasabing ang pinaigting na kampanya ay bahagi ng ginagawang pagbabantay ng BOC para ipatupad ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act at Customs Modernization and Tariff Act.
Katuwang din nila ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Trade and Industry (DTI) sa nasabing operasyon.
Sinabi ni Rubio, ang mga pagsisikap na ito ay nagresulta sa matagumpay na pag-uusig sa mga indibidwal na sangkot sa vape smuggling.
Nabatid na bukod sa P5.070 bilyong halaga ng vape products na nasamsam mula Enero hanggang Oktubre, sinira rin ng BOC ang 14,100 kahon ng forfeited vape products na nagkakahalaga ng P1.480 bilyon na natuklasan sa Valenzuela City noong Oktubre 2023.
Nakumpleto ang pagsira noong Abril 5, 2024. Iginiit pa ni Rubio na tinapos ng BOC ang pagkondena sa 19,800 at 8,400 na kahon ng nasamsam na vape products noong Agosto 16, 2024.
Kabilang sa matagumpay na mga operasyon kamakailan ang pagsamsam sa P12.6 milyong halaga ng smuggled disposable vapes sa San Pedro, Laguna at P6.475 milyong halaga ng iba’t ibang vape devices sa Quiapo, Maynila. (JESSE KABEL RUIZ)
43