P8.5-M PARTY DRUGS NASABAT SA LAS PIÑAS *Chinese sa Pasay, huli sa kidnapping at droga

UMAABOT 4,970 piraso ng tableta ng MDMA o ecstasy na may street value na P8,500,000, ang nasabat sa joint controlled delivery operation dakong alas-4:25 ng hapon noong Martes sa Manila Doctors Village, Almanza Uno, Las Piñas City.

Kinilala ang suspek na si Ana Fe Morilla alyas Jonah, residente ng Guava St., CAA PH2, Las Piñas City.

Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang package na naglalaman ng 4,970 piraso ng ecstasy na may street value na P8,500,000, 1 unit ng cellular phone at dalawang identification cards.

Ayon sa report na nakarating kay P/BGen. Jimili L. Macaraeg, SPD Director, nagkasa ng “controlled delivery operation” ang magkasanib na mga operatiba ng PDEA RO III-Pampanga PO, PDEA RO-III PDEA Clark Inter Agency Drug Interdiction Task Group, Bureau of Customs Port of Clark, PDEA RONCR SDO, CSDEU kasama ang Las Piñas City Police, DDEU-SPD at DID-SPD na pinangunahan ng PDEA.

Nagprisenta ang suspek ng umano’y kaduda-dudang ID at pangalan at pumirma sa delivery receipt at makaraan ay tinanggap ang kahon ng package mula sa PDEA agent na nagpanggap delivery personnel ng isang courier service, na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Samantala, nasakote ng mga operatiba ng Intelligence Section at IDMS investigators ng Pasay City Police, ang isang Chinese national habang tangkang ilipat ng hideout ang kanyang kidnap victim noong Lunes ng gabi sa Shore Residence, Sunrise Drive, Mall of Asia, Pasay City.

Nauna rito, isang Wang Chen Yang, 28, Chinese national, residente ng Unit 224, Shell Residence Tower C, Pasay City, at kaibigan ng kidnap victim na si Liu Kun, ang nagsumbong sa Intelligence Section at IDMS investigators ng Pasay CPS hinggil sa kidnapping incident dakong alas-9:00 ng umaga noong Disyembre 6, 2021 sa harap ng Shell Residence, Sunrise Drive sa Pasay City.

Salaysay ni Wang, dinala ang biktima sa Shore residence at hiningian ng ransom money ng suspek na si Gao Lei, isa ring Chinese national, at residente sa Unit No. 520 Shore Residence Tower C1, Barangay 76, Pasay City.

Tinawagan umano ng biktima ang kaibigan upang magpadala ng pera, ngunit sa halip na magpadala ng pera si Wang ay direktang nagtungo ito, dakong 9:00 ng gabi, sa tanggapan ng IDMS at nagsumbong.

Agad na kumilos ang mga operatiba ng IDMS at Intelligence Section at nagtungo sa lugar. Pagdating sa lugar, nakilala ng reportee ang sasakyan ng suspek na si Gao kaya hinarang ng mga pulis.

Nang pababain ng mga pulis si Gao, nakita sa loob ng sasakyan na nakatali ng packaging tape ang mga kamay ng biktimang si Liu Kun.

Nang siyasatin ang sasakyan ni Gao ay nadiskubre sa loob nito ang kaduda-dudang pakete na naglalaman umano ng ilegal na droga. (DAVE MEDINA)

3

Related posts

Leave a Comment