P8-M ECSTASY NASABAT SA LAGUNA

LAGUNA – Tinatayang P8 milyong halaga ng ecstasy pills ang nasabat ng mga awtoridad sa isang operasyon sa Santa Rosa City sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.

Arestado sa operasyon ang isang babae na gumamit ng alyas “Aira Almonte” na siyang tatanggap sana ng items.

Batay sa report ng CALABARZON Police Regional Office (PRO IV-A), isinagawa ng mga tauhan ng NAIA-IADITG  kasama ang mga operatiba ng PDEA IV-A, RPDEU, 1V-A, PhilPost-Inspectorate at Sta. Rosa Police, ang controlled delivery operation sa isang gasolinahan sa Brgy. Dita, Sta. Rosa kung saan ide-deliver kay alyas “Aira” ang parcel.

Ayon sa report, galing sa bansang France ang kahina-hinalang package at nakadeklarang “children playing items” at ipinadala ng isang “Bautista Victoria”.

Matapos maaresto si “Aira”, binuksan ang parcel at tumambad ang 5,032 pink tablets na hinihinalang ecstasy o 3,4-methylenedioxy-methamphetamine (MDMA) na tinatayang nagkakahalaga ng P8,554,400.

Nakapaloob ito sa anim na stuffed toys at apat na improvised pouches.

Nakumpiska rin mula sa suspek ang kanyang fake school ID, postal ID at BIR Tin card.

Nasa kustodiya ngayon ng PDEA 4A ang suspek na sasampahan ng kaukulang kaso. (NILOU DEL CARMEN)

32

Related posts

Leave a Comment