Paalala ni Belmonte sa QC resto 20% DISKWENTO PARA SA MGA SOLO PARENT

(JOEL AMONGO)

KASABAY ng pagdiriwang ng 1st National Solo Parents’ Week, ibinida ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang suporta at pagkilala sa hanay ng mga magulang na mag-isang nagtataguyod ng kinabukasan ng pamilya.

Katunayan aniya, taong 2018 pa nang pagtibayin ng Quezon City Council ang City Ordinance SP No. 2766 nagbibigay ng 20% diskwento sa hanay ng mga rehistradong solo parents, sa una at huling linggo ng kada buwan.

Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga restaurants na nakabase sa lungsod na tupdin ang atas ng ordinansang inakda ni Councilor Raquel Malangen kaugnay ng diskwento sa mga solo parents – bukod pa sa sa mga senior citizens at mga persons with disability (PWD).

“Itong batas na 20-percent discount every first and last Sunday. Ginawa na namin ang IRR [Implementing Rules and Regulations], ibinigay na namin sa Business Permits and Licensing Department (BPLD). Ibinaba na po iyan sa lahat ng business establishments,” ani Belmonte.

Nanawagan rin ang punong ehekutibo sa hanay ng mga solo parents na tulungan ang pamahalaang lungsod sa pagpapatupad ng ordinansa.

“Ano ang ating magiging tungkulin? Isumbong ang mga establisimyentong hindi tumutupad dito. Saan isusumbong? Sa Helpline 122,” dagdag pa niya.

Muli rin naglabas ng direktiba si Belmonte sa BPLD – bigyan paalala ang mga business establishments sa full implementation ng naturang ordinansa.

Sa ilalim ng City Ordinance 2766 (series of 2018), kailangan lang magprisinta ng Solo Parent ID mula sa Quezon City Social Services Development Department (QC-SSDD) para makakuha ng diskwento.

Kalakip ng ordinansa ang mga karampatang parusa sa paglabag – written warning sa first offense, multang P2,000 sa ikalawang paglabag at P5,000 multa at kanselasyon ng business permit para sa third infracture.

Pagtitiyak ni Belmonte, suportado ng pamahalaang lungsod ang hanay ng mga solo parents. Patunay aniya nito ang mga proyekto at programang sadyang binalangkas, pinagtibay at ipinatutupad sa buong lungsod – habang naghihintay sa implementasyon ng Expanded Solo Parents Welfare Act na una nang pinagtibay ng Kongreso.

“Nariyan ang ating Pangkabuhayang QC na para sa lahat, kabilang na kayong mga solo parents kung kayo ay papasa at planong magnegosyo,” banggit pa ni Belmonte sa pagtuloy nya sa P20,000 cash aid sa mga nagnanais simulan ang maliit na kabuhayan.

Meron din aniyang Small Income Generating Assistance (SIGA) program kung saan dagdag puhunan naman ang target sa mga local entrepreneurs – kabilang ang mga maliliit na sari-sari stores.
Di rin aniya ipagkakait ng pamahalaang lungsod sa mga solo parents ang iba pang programa ng QC government tulad ng educational assistance, tulong pangkalusugan, tablets para sa mga estudyanteng mula Grade 1 hanggang 12 sa mga pampublikong eskwelahan, school supplies, at scholarship para sa mga senior high school, technical-vocational at mag-aaral sa kolehiyo.

Samantala, sa ilalim ng city’s social welfare assistance program, 3,000 indigent solo parents ang pinaglalaanan ng P500 buwanang financial assistance (katumbas ng P12,000 kada taon).

93

Related posts

Leave a Comment