PABAHAY NI BBM ‘DI ABOT-KAYA NG MASA

TANGING mga may kaya sa buhay at hindi mahihirap ang makikinabang sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program o 4PH ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ang kapwa tinuran nina ACT party-list Rep. France Castro at Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa pagdinig ng House appropriations committee sa budget ng Human Settlement and Urban Development (DHSUD) kahapon sa Kamara.

“Kung titingnan ko ang presyo ng pabahay Mr. chair, hindi ito pabahay sa mga mahihirap eh,” pahayag ni Castro dahil ang halaga ng isang unit ay aabot ng P1.4 million kapag kinuwenta ang 24 square meter sa P60,000 per sq2.

Bagama’t may ilalaan umanong P1.5 billion subsidy ang gobyerno sa bawat isang milyong unit ay magiging P1,500 lang ang ayuda ng gobyerno sa bawat beneficiaries na ayon sa mambabatas ay napakaliit.

Sinusugan ito ni Brosas dahil sa ngayon ay maraming beneficiaries ng pabahay ay hindi na kayang bayaran ang kanilang P600 monthly amortization. Sa ilalim ng 4PH ni Marcos ay magbabayad ng 3,000 buwan-buwan at madadagdagan ng P500 kada apat na taon hanggang sa mabayaran ito sa loob ng 30 taon.

“For the middle class kaya yan eh, pero yung sinasabi na poorest of the poor at informal settlers, hindi talaga makikinabang sa ganitong programa,” ani Brosas lalo na’t walang mapasukang trabaho at mababa ang sahod sa bansa.

Hindi rin naniniwala ang mambabatas na maitatayo ni Marcos sa pamamagitan ng DHSUD ang isang milyong unit kada taon kung ang performance umano ng ahensya ang pagbabasehan sa mga nakaraang taon.

“Kaya sa tingin ko po, wishful thinking o panaginip yung tinatarget na one million (unit kada taon) kasi base sa accomplishment niyo, one hundred sixty five thousand four hundred ninety eight unit (165,498) kahit doblehin natin ito, 1.5 million na pabahay (sa loob ng anim na taon) ang maitatayo,” ani Castro.

Ayon naman kay OFW party-list Rep. Marissa Magsino, nakatanggap ito ng impormasyon na hindi pa man naitatayo ang gusali ay inilaan na umano ng ilang Local Government Units (LGUs) sa kanilang mga kaibigan at kaalyado ang mga commercial space at yunit sa mga housing project sa kanilang nasasakupang lugar.

“Merong nakarating sa atin na some LGU officials, ina-allocate na po etong pabahay natin sa mga political friends nila, sa mga allies nila at mga (political) members,” ani Magsino.

Dapat aniyang tutukan ito ng DHSUD upang matiyak na mahihirap ang mabigyan ng yunit dahil sila ang target ng nasabing programa.

Itinanggi naman ni DHSUD Secretary Jerry Acuzar na may ganito silang impormasyon at tiniyak na ang huling desisyon kung sino ang bibigyan ng unit ay ang kanilang ahensya at hindi LGU officials.

(BERNARD TAGUINOD)

681

Related posts

Leave a Comment